kin Image by Cool Text: Logo and Button Generator - Create Your Own
Last May kung saan ginanap ang Cannes Film Festival sa France, eh nagkaroon ng tension kasi sabi ni Lolo Roger Ebert ang pangeet daw ng Kinatay! Ito daw ang pinakawalang kwentang pelikula ever na naipalabas sa Cannes. Tapos sa awarding ceremony biglang nanalo si Brillante Mendoza as Best Director. Bongga di ba? Bilang Pinoy proud ako sa pagkapanalo ni Mendoza kasi fan ako sa mga gawa niya. Iba kasi talaga ang istilo niya. Di ko alam bakit sobrang tagal naman ng pagpapalabas nito sa atin eh medyo nawala na tuloy ang Kinatay Fever . Ang arte kasi ng MTRCB binigyan nila ng Rated X ito noong una! Hello??? Honest lang naman ang film sa pagpapakita kung ano ang tunay na nangyayari sa ating bansa. Eh mas masahol pa nga ang mga dating massacre flicks ni Caparas eh na may mga mahahabang titulo. I'm so glad na hindi naisip ni Mendoza na bigyan ng title ang movie na ito na tulad kay Caparas. What if ang title nito ay: THE VAN MASSACRE: THE UNTOLD STORY OF THE RAPED CHOP CHOP PROSTI. (ORA PRONOBIS) I BELIEVE IN GOD THE FATHER ALMIGHTY CREATOR OF HEAVEN & EARTH. I'm sure kakatayin nila ang title na yan!
BUOD NG PELIKULA: Ito ay tungkol sa isang batang criminology student na si Peping may kalive-in at may baby na. One day ikinasal sila sa huwes at napakasaya nila ng umagang yun kasama ng mga kaibigan at mga kamag-anak. Isang gabi pagkatapos makakuha ng mga delihensiya sa Luneta, naisipan siyang yayayain ng isang kakilala para sa isang gabing raket. Hindi niya alam na madugong raket pala ang kanyang nasamahan. Sa loob ng van kung saan kinidnap nila ang isang prostitute, maguguluhan si Peping kung saan siya lulugar sa isang karumal-dumal na sitwasyon na kanyang kinakaharap. Tatakbo ba siya o maghuhubad na lang at magtatanong ng: Pare, serbis???
Di ko masisisi si Lolo Roger kung bakit niya inokray ito! Ang alam ko kay Lolo eh mahilig siyang mag-review ng mga feel good movies. Unfortunately, Kinatay is not a feel-good movie at all. Walang story, walang drama development, walang suspense at walang katapusang kadiliman. Kung kaya mong manood ng ganyang style eh malamang magugustuhan mo ang Kinatay. Oo masyadong brutal ang ilang eksena dito kaya nga Kinatay. Katulad din ng Serbis lahat ng mga eksena dito ay may mga nakatagong kahulugan. Corrupt na talaga ang ating lipunan yan ang nababasa ko sa pelikulang ito. Pinapakita kung ano ang totoo. Nakatutuwa lang kasi sa simula ng movie eh masaya ang feeling at alive na alive ang mga eksena tapos pagkagat ng gabi eh walang katapusang lagim na pala. Basta lalabas ka ng sinehan na mabigat ang dibdib at medyo magugulo ang isip mo.
Kung malabo ang mata mo, advise ko wag ka nang manood nito. Merong napakahabang van scene dito na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA patungong North Expressway. As in napakahabang van scene na napakadilim at halos mga anino lang ang iyong maaaninag. Pero ang galing ni Mendoza sa pagkuha sa mga eksenang yun lalo na yung mga facial expressions ni Peping sa dilim na halatang kinakabahan siya at worried. Habang pinapanood ko ito ay para rin akong sinasaniban ng katauhan ni Peping . Pero warning ko lang sa mga babae kasi makatotohanan masyado ang pag-rape ng biktima dito at yung pagkatay ay nakakapanghina talaga. Baka ma-offend lang sila. Katulad din ng Serbis halos ingay lang ang maririnig mo dito tulad ng mga ingay ng mga sasakyan at ingay ng mga tao rin. May musical score na naisingit during the killing scene at talagang nakakapangilabot naman. Napansin ko lang na medyo may mali eh doon sa jeepney scene sa simula kung saan pinapakita nila na dinaanan nila yung isang suicidal man na gustong tumalon sa billboard along Boni-EDSA. Di ko alam paano napadpad ang jeep nila doon eh ang pagkakaalam ko papunta sila ng Mandaluyong City Hall eh hindi naman doon ang daanan.Walang jeep ng Mandaluyong na dumadaan ng EDSA. 10 Years na akong nag-wo-work sa siyudad na yan at alam ko ang mga daan.Kung wala kang idea about Mandaluyong eh hindi mo naman mapapansin ito. Tapos doon sa EDSA biyahe nila papuntang North expressway ang alam ko nasa MRT North Avenue na sila based sa signboard afterwards sabi ng isang character ang traffic talaga dito sa Cubao! Paano nangyaring nakabalik sila ng Cubao eh papunta na nga silang North Toll Gate!? Kung wala kang idea tungkol sa EDSA eh hindi mo rin naman mapapansin ito. By the way, may English subtitle pala ito kaya pwede rin manood ang mga foreigners. TAKE NOTE: APPROVED WITHOUT CUTS pala ito ng MTRCB! Hmmm... nagbago isip nila?
As usual ang peborit actor ni Mendoza at ang nag-iisang Indie King na si Coco Martin ay talagang namang the best pa rin!!!! Pelikula niya ito at kahit may mga supporting actors eh sa kanya pa rin matutuoon ang mga mata natin. Dalang-dala niya lahat ng facial expressions ni Peping. The best talaga si Coco! Kinilabutan ako doon sa last scene niya kung saan naguguluhan siya kung babalik ba siya doon sa taxing nagka-flat tire o sasakay na lang siya ng bus. At isa rin pala siya sa mga producers nito. May isang eksena pala dito kung saan umiihi sila sa isang talahiban ay bigla akong kinabahan kasi baka ipapakita na naman ni Coco ang alaga niya. Willing kasi si Coco na magbuyangyang tulad ng ginawa niya sa Serbis. Ha ha ha! Nagpakita ba siya ng kanyang ehem dito? Secret!
Itong Kinatay ay ginawa siguro para lang makakuha ng awards. Kasi award-winning naman talaga ito! Maganda ang pelikula ni Brillante Mendoza kaso hindi ko talaga siya highly recommended para sa lahat lalo na yung mga mahihilig sa mga commercial movies. Hindi ko pwedeng sabihin na: Naku panoorin mo na siya! Ngayon na! Sulit bayad mo!!! The Best Ito!!! Masisiyahan ka!!!! Kasi kapag sinabi ko yan eh baka kakatayin nyo ako! Merong target audience ang Kinatay at hindi kasama doon si Lolo Roger. Kung sa tingin mo kadugo mo si Lolo Roger, naku wag ka nang magsayang dito. Pero kung curious ka bakit nanalo si Mendoza eh kailangang mapanood mo ito! Basta isipin mo na lang na magkaiba ang Best Director at Best Picture. Remember si Mendoza lang ang nanalo at talagang deserving siya sa award na ito! Sa lahat ng mga indie film lovers ng bansa, kakatayin ko kayo pag pinalampas nyo ito!
Thursday, September 24, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment