Image by Cool Text: Logo and Button Generator - Create Your Own
Di masyadong nag-ingay ang Engkwentro sa Cinemalaya this year kasi hindi man lang ito nanalo ng isang award kundi Special Mention lang. Pero nang ipadala ito sa Venice Film Festival eh aba dumagundong sa buong mundo ang talent ng 22-year old na si Pepe Diokno kasi nanalo pa ito ng 2 awards doon! Nakapagtataka di ba bakit ganun? Heto na palabas na siya sa wakas pero sa 3 mainstream theaters lang at exclusive sa SM Cinema. 21-year old pa lang si Pepe nang ginawa niya itong Engkwentro. Sa edad niyang yun eh dapat talaga siyang palakpakan dahil nakabuo siya ng isang artistic film. Pero hindi ibig sabihin dahil nanalo ito ng mga awards sa ibang bansa eh talagang dapat panoorin talaga ito ng lahat. Iba ang isip ng mga jury sa Venice at iba rin ang isip ng mga Pinoy. Proud ako na nanalo ito, pero hindi ako proud na i-recommend ito sa lahat. Pero proud na proud ako kasi may nakatalo na pala sa Cloverfield! Pinoy Indie film lang pala ang katapat!
BUOD NG PELIKULA: Target na si Richard ng City Death Squad para patayin siya. Siya ang lider ng Bagong Buwan gang. Nakapagplano na siya na tatakas kasama ang syota niya papuntang Maynila. Isasama na sana niya ang bunso niyang si Raymond kaso nalaman niya na bagong miyembro na pala ito ng “Batang Dilim” ang kalabang gang ni Richard. Dito na magkakasubukan ang dalawang magkapatid sapagkat ang unang initiation kay Raymond eh ang patayin ang kuya niya. Teka nandito rin kaya sina Ruffa? Elvis? Annabelle Rama?
May political agenda ang indie film na ito. Sa simula pa lang inihayag na pati sa katapusan eh may huling hirit pa. Matapang si Pepe sa pagsasapelikula nito at malamang ito ang dahilan ng pagkapanalo niya. Matapang na bata si Pepe! Pero walang matututunan dito sa Engkwentro. Wala namang story na tatatak sa puso't isipan ng mga manonood.Hindi nga nabigyan ng attention ang Death Squads eh kundi buhay squatter na naman. Ilang indie films na ba ang nagpapakita ng buhay iskwater? Hindi na bago ang mga makikita at maririnig dito ng mga tao. Ang kakaibang style lang ni Pepe ang mapapansin dito. Ano nga ba yung kakaibang style niya? One long take para sa buong pelikula! First time yata ito sa Philippine cinema at first time ko rin na makapanood ng ganito. Mula simula hanggang sa huli eh parang tuloy tuloy lang ang kuha ng camera ni Diokno.Parang walang pahinga at parang walang cuts! Kung totoo yun eh bilib talaga ako sa kanya. Pero sabi sa mga interviews niya eh digitally edited lang daw ang mga yun para magmukhang continuous. Pero ang galing ha? Seamless ang final result!
Pero dahil sa kakaibang art ni Pepe eh madali ka namang maumay. Hindi na nga ako nahabag sa mga characters dito kasi nawindang na ako nang tuluyan sa style niya. Yung mga kuha niya bago mag-dapithapon eh naku kailangan mo muna mag-Bonamine o kung ano mang available na anti-dizziness tablets sa botika kasi grabeee ang motion sickness effect ng mga habulan scenes! Sumakit ulo ko doon. Talagang dinaig pa ang Cloverfield. Super shaky ang handheld camera na nakakahilo talaga. Dadalhin tayo ng camera ni Diokno sa masikip at magulong iskwater. Paikot-ikot ito na parang tatagos sa mga dingding ng bahay. Cool ang style niya pero hindi maganda sa mata ng mga nakakarami. Hindi rin kagandahan ang cinematography. Pagdating naman sa gabi ayun na madilim na. Wala na yata silang budget sa lighting kasi wala naman tayong makikita sa mga dark scenes dito. Andaming habulan at kaguluhan sa gabi pero madilim ang mga kuha. Sound lang ang maririnig. In fairness, OK ang sound! Di ba pag wala na tayong nakikita pag nanonood sa sine eh pumapalakpak tayo baka nakatulog na ang projection operator? Gusto ko nga sanang pumapalakpak that time eh kaso naisip ko isa naman yata itong style ni Pepe. Dark style ba tawag dito? Ginawa na ito ni Brillante Mendoza sa Kinatay pero may mga anino naman na makikita at saka maganda ang pagpasok ng light sa mga facial expressions ni Papa Coco.Naaaninag pa rin. Dito sa Engkwentro nangangapa ang mata ko sa dilim! Halo-halo pala ang mga dialects rito may Tagalog, Cebuano, Ilonggo and Pangasinense kaya ma-politika nga ang tema. It also means na buong Pilipinas magulo talaga.
Bukod sa long continuous take style ni Pepe na nakakabilib, ang pinalakpakan ko talaga rito eh ang production design ng pelikula. Hindi totoo ang squatter’s area rito kundi production set lang pala. Ang ganda ng pagkagawa nila huh at pwede na natin itong tawagin na Pepe's Labyrinth. Ha ha ha! Naniniwala na talaga ako na pag Leo ang Zodiac sign ng isang tao eh talented talaga. Pepe is a Leo daw! Hmmm.. kaya pala siya talented? Pati si Jishcand eh Leo rin pala. Naks yabang! Ewan ko lang kung Leo rin si Felix Roco, ang nag-iisang Daisy Siete hunk, kasi litaw na litaw ang acting niya rito. Bukod sa guapo eh naku may makakalaban na pala si Coco Martin pagdating sa Indie film acting. Si Felix Roco na ang katapat niya marahil! Ibig sabihin ba nito eh magbubuyangyang na rin si Felix soon? Naku bubugbugin siya ni Daddy Bembol Roco niya! Ha ha ha! Halos lahat ng mga cast rito eh decent naman ang acting. Walang OA sa kanila. Di ko nga lang sila mga kilala. Di ko na rin binasa ang cast of characters sa end credits kasi nahilo na ako honestly.
Maganda ang Engkwentro kung bibigyan mo lang ng pansin eh ang style ni Pepe. Pero hindi siya kagandahan kung maghahanap ka pa ng iba pang magagandang elemento ng pelikula. Kulang pa ang Engkwentro. Unang pelikula pa lang ito ni Pepe at naipakita na niya talent niya. Kaya excited na ako sa next project niya at sana may istorya at puso na! Sabi nga ng kanta ni Celeste Legaspi: “matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe”. Pero pwede ring baguhin natin ang lyrics. How about: “madilim naman talaga ang Engkwentro ni Pepe”. O kaya “nakakahilo talaga ang Engkwentro ni Pepe”. I'm not totally dismissing this indie film. Pwede pa rin naman siyang panoorin kung curious ka lang at medyo may extra money rin Hindi lang talaga siya para sa lahat lalo na yung mga Daisy Siete fans ni Felix. Kahit nga ang isang indie film lover eh mapapaisip kung maganda ba talaga ito? Kasi parang wala lang.
Pics Courtesy of Engkwentro.Facebook
No comments:
Post a Comment